Shop at RedBubble

Sunday, January 14, 2007

Salamat, Ka Joel

Salamat, Ka Joel
Sa mga linya mong kay ganda
Tagos na tagos, damang dama
Kahanga-hanga kang talaga.
Tunay na makata
Magyabong ka sana't
Dumaming katulad mo.
Dito sa 'Merika
Sila sana'y matanto
Kung saan buhay ko'y litung-lito
Liko ng liko
Sa kalyeng baku-bako.

Jamison/01/01/07



Guro

Saan na napadpad
Guro kong nililiyag?

S'ya ba'y kutis porselana't
Naging Japa-yuki't na-Yakuza?
O 'di kaya'y mail-order bride
Na sinunog sa Australia?

S'ya ba'y nagpapa-alipin
Sa Europa o Gitnang Silangan?
(Para sa pamilyang waldas sa Maynila?)
O nakikipagsabayan sa mga guro
Sa Tsina o Amerika?
Sa galing n'ya sa wikang Ingles?
Sa galing n'ya sa Matematika?
Sa galing n'ya sa Siyensiya?

S'ya ba'y nasa internet cafe
At nakikipag-chat hanggang hating-gabi?
Sa pag-asang makarating sa Kanluran
At magka-anak ng puti?
O kasalukuyang nagsusunog ng kilay
Sa nursing school o caregiving school
Para makalabas at kumita ng dolyar?

Saan na nga ba napadpad
Guro kong nililiyag?
Gurong nagbigay ng ABC
At ABAKADA sa papel na ito?
Gurong nais ko sanang
Madatnan sa silid-aralang aba
Ngayo'y busug na busog
Ng mga batang gutom --
Gutom sa kalinga
Gutom sa dunong
Gutom sa pag-asa...
Sisenta, Sitenta, Otsenta...
Ilang bata nga ba ang kakasya
Sa silid-aralang aba
O sa ilalim ng punong mangga?

Kaya nga minsa'y palengke itong turingan
At ang ibang gurong natitira'y nagbebenta:
"Polvoron! Polvoron!
Bili na kayo ng polvoron.
Kwayet!"
(Wika ko'y "minsan" at "iba"
Dahil 'di naman nilalahat
Mga gurong natitira.
Ipagpaumanhin kung ito'y 'di pa rin
Kaaya-aya.)


Saan na kasi napadpad
Guro kong nililiyag?
Bakit para kang paru-parong
Lipad ng lipad?

Jamison/01/04/07

No comments:

Post a Comment